OFW. Hindi ako bayani.
Kahit pa tinituring ng mga karamihan na kami ang mga modernong bayani.
Oo nga’t nag-buwis kami ng aming dugo at pawis.
Totoo na kami’y nag-sakripisyo at nakipagsapalaran sa kakapakanan ng iba.
Ngunit hindi pa rin maiiwasan ang katotohanang iniwan ko ang aking Inang Bayan.
Dahil sa pangarap na mapabuti ang buhay, ay naiuna kong habulin ang kapakanan ng pamilya kaysa ng bayan.
OFW. Hindi ako bayani.
Ngunit hindi rin ako taksil. Tulad ninyo, ako’y biktima rin ng pangangailan.
Sa kagustuhang magkaroon ng pagkain sa aming hapag-kainan, ay natulak akong mangibang bayan.
Pero kahit linisan ko ang bayang sinilangan, hindi ko naman tinakwil ang aking lahi.
Mahal ko pa rin ang ating bansa.
Dapat ba kaming kamuhian? Huwag naman sanang mangyari.
OFW. Hindi ako bayani.
Nguni’t marami sa amin ang nagpapakamartir at nagpapakabayani.
Meron pa sa amin ang nag-alay ng kanilang buhay alang-alang sa kinabukasan ng kanilang mga anak.
Tinitiis ang lungkot, pagod, at pangungulila.
Tinitiis ang pang-aalila at pang-aapi, maitawid lamang sa karukhaan ang pamilya.
Minsan, kami pa ang iniiwan at tinatakwil ng aming pinagpapagurang mahal sa buhay.
OFW. Hindi ako bayani.
Ngunit buhay ko’y kasing hirap ng mga naging bayani.
Dapat ba kaming kaawaan? Hindi namin hangad na kami ay kahabagan.
Kundi ilaan na lang ang inyong luha sa ating bansang Pilipinas.
Siya ang tunay na kaawa-awa. Hanggang ngayon, siya ay nagalugmok, nakahandusay sa kahirapan.
Kailan kaya makakabangon ang mahal kong bayan?
OFW. Hindi ako bayani.
(Para sa lahat ng mga kamag-anak at mga kaibigan kong OFW.)