Labing walong taon. Ngunit parang kahapon lamang.
Parang noong isang araw lang ay gumigising ako sa ingay ng arangkada ng mga traysikel at ng tilaok ng tandang na pangsabong ni Mang Karding*. Tila ba kailan lamang ay laman ako ng masikip naming kalsada doon sa Sampaloc. Parang kahapon lang ay linalanghap ko pa ang simoy ng hangin ng Maynila at usok ng mga jeepney. Parang kumurap lang ang aking mga mata, ngunit labing walong taon na pala ang lumipas nang aking lisanin ang ating inang bayan.
Isa ako sa mga libo-libong Pilipino na lumabas ng bansa. Ako ay namulat sa mundo na kung saan ang nangingibabaw na pangarap ng marami sa ating mamamayan ay ang makaalis ng Pilipinas. Hindi man direktong itinuturo sa aming mga bata, ngunit madalas naming marinig sa mga nakatatanda, “mag-aral ka nang mabuti hijo, at pag-laki mo’y maari kang mangibang bayan, at magiging maganda ang iyong kinabukasan.”
Kahit nang ako’y batang paslit pa lamang ay naririnig ko na ang mga kwento ng aming mga kapit-bahay na nakipagsapalaran sa ibang bansa. Gaya ni Mang Juan, na nakatira tatlong bahay mula sa amin. Siya ay tumulak papuntang Saudi, at doo’y kumita ng “limpak-limpak” na salapi. Limpak-limpak na pera – ganito ang dating sa musmos naming kaisipan. Iyon ang ipinundar niya upang makapagtayo ng maliit na tindahan sa harap ng kanilang bahay, kung saan ako inuutusang bumili ng mantika.
O si Junior na anak na panganay ni Ka Linda sa tapat ng aming bahay. Siya ay naging isang seaman, at nakapaglayag sa iba’t-ibang ibayo ng mundo. Alam ko kapag nagbabalik-bayan si Junior. Lagi itong nag-papainom sa kanyang mga kaibigan, kaya may maiiingay na namang nag-iinuman sa tapat ng aming bahay. Kahit ang nakababatang kapatid niya na dating tambay lang lagi sa kanto ay naging seaman din. Dahil dito ay napaayos nila Ka Linda ang kanilang bahay-paupahan.
At si Nena na nakatira doon sa may apartment malapit sa kanto. Ang balingkinitan at magandang si Nena. Siya ay lumipad patungong Japan.
Kahit sa aking mga kamag-anakan ay ganito rin ang istorya. Nandiyan si Tata Emo, na ipinagbili ang ilang hektarya ng kanilang bukid sa Bulacan upang siya ay makaalis papuntang Saudi. Ngunit hindi natagalan ni Tata Emo ang lungkot ng Saudi. Siya ay umuwi at nag-saka na lang muli. Naging masaya naman ang kanyang kalabaw na muli siyang makasama.
Isa pa ay si Tito Rey na lumabas ng bansa patungo ring Middle East. Mga ilang taon din siyang namalagi doon, tiniis ang init, pangungulila at lungkot. Maraming birthday din ng kanyang mga anak ang hindi niya nasaksihan. Nguni’t kapalit naman noo’y ay napatapos niya sa pag-aaral ang kanilang mga anak at nakapagpatayo pa sila ng sariling bahay doon sa Marikina.
Nariyan din ang dalawa kong tiyahin na nurse na nakarating dito sa Amerika. Masasabi ko na malaki ang utang na loob ko sa kanila sa pagtulong nila sa akin na maabot ang pangarap kong makatapak dito sa banyagang lupain na ito. Hanggang sa ngayon ang mga tiyahin kong ito ay patuloy pa rin sa pagtulong sa aming mga kamag-anakan doon sa Pilipinas. Nawa’y patuloy silang pagpalain.
Hindi lahat ng mga nangibang-bayan ay may masayang kasaysayan. Balikan natin si Mang Juan. Oo nga’t naging mas maginhawa ang kanilang buhay. Ngunit isa sa mga anak niya, dahil na rin siguro sa lumaki itong laging wala ang ama, kaya napabayaan at nalulon sa droga. Madalas ko itong nasasalubong sa aming kalye na pula ang mata at sumusuray na naglalakad, habang lumutang sa paglipad. Kung alam lang ni Mang Juan ang mangyayari sa kanyang anak, pipiliin pa rin kaya niya ang umalis ng bansa?
At si Nena. Ang magandang si Nena. Ano nga kaya talaga ang nangyari sa kanya?
Ngunit hindi namin inalintana ang mga malulungkot na kwento, sapagkat kailangan para sa kinabukasan ng pamilya. Kaya naman hindi kataka-taka na ang aming henerasyon ay sumunod sa mga yapak ng mga nauna sa amin, at nakipagsapalaran din na lumabas ng ating bansa. May mga pinsan akong nasa Saudi, Singapore, Macau at Canada ngayon. May mga naging kabarkada akong napadpad rin sa Australia, China, Middle East, at ilan dito sa Amerika. Para kaming mga alikabok sa lupa na hinipan ng malakas na hangin at ikinalat sa iba’t ibang lupalop ng mundo.
Kung aking iisiping mabuti, iilan lang talaga sa aking mga kaibigan at lalo na sa aking mga kamag-aral, ang nanatili sa ating bansa. Karamiha’y lumisan para sa ibayong dalampasigan. Isang malungkot na katotohanan ng ating bayan. At gaya nga ng kanta ni Gloc-9: talagang “Walang Natira.”
Labing walong taon na akong naninirahan sa bayan ni Uncle Sam. Marami nang nagbago. Nawala na ang pilipit ng aking dila at natuto na akong mag-ingles na parang Amerikano at hindi na ako “Carabao English” ngayon. Nag-iba na rin ang ilan sa aking nakagawian. Hindi na ako sumusutsot kapag kailangang tumawag ng pansin, pero lilingon pa rin siguro ako, kapag may sumigaw ng “Hoy!” Pati panlasa ko’y nagbago na rin. Gusto ko na ng maasim-asim na spaghetti sauce ngayon, gaya ng tunay na Italian, at hindi manamis-namis gaya ng sa Pinoy. Pero masarap pa rin sa akin ang tuyo at itlog na maalat.
Ngunit mayroon pa ring hindi nagbabago. Pango pa rin ang aking ilong, at wala akong balak magpatangos nito. Hindi pa rin pumusyaw ang kayumanggi kong kulay kahit hindi na ako masyadong nagbibilad sa init ng araw. Matatas pa rin akong mag-Tagalog. Nanalaytay pa rin sa aking mga ugat ang maharlikang dugo ng aking mga ninuno. Tutoo, linisan ko ang aking bayan, ngunit hindi nangangahulugang nagbago ang aking pagmamahal sa ating bansa. Walang araw na dumaan na hindi dumampi sa aking isipan ang lupa kong sinilangan.
May isa pang hindi nag-bago. Nangangarap pa rin ang bagong henerasyon ng mga Pilipino na makaalis ng bansa. Ang tanong ay hindi bakit, kundi hanggang kailan?
(*names have been changed)