Quantcast
Channel: OFW – Pinoy Transplant in Iowa
Viewing all articles
Browse latest Browse all 11

Iba Namang White Christmas

$
0
0

Habang ako’y nagda-drive pauwi kagabi ay aking napuna na may mga butil-butil ng niebe (snow) na lumilipad. Matagal-tagal na rin namang kaming naghihintay ng snow, kahit na hindi ko paboritong libangan ang mag-shovel nito. Sabi kasi sa aming weather forecast, maaaring magkaroon daw kami ng 1-2 inches ng snow. Yey, White Christmas!

Pagbangon ko kaninang umaga ay dumungaw ako kaagad sa labas. Kakarampot naman pala ang snow na bumagsak. Ang kuripot naman!

IMG_6217

Dahil konting-konti lang ang aming snow (above photo), siguradong malulusaw at maglalaho na ang lahat ng ito bago pa mag-Pasko. Sang-ayon ulit sa aming weather forecast, wala na kaming  snow fall bago mag-Pasko dito sa Iowa. Mapupurnada yata ang aming White Christmas!

Nainggit tuloy ako sa mga lugar dito sa Amerika na maraming snow ngayong Pasko. Noong nakaraang araw lang, ay pinadalhan ako ng aming kaibigan ng photo na kuha niya mula sa Morristown, New Jersey (photo below). Parang scene sa Frozen ang dating.

IMG_6215

Sa Morristown, New Jersey ako unang napadpad at nanirahan dito sa Amerika. Tatlong taon din akong lumagi doon. Dito ko naranasan ang aking kauna-unahang White Christmas, na noon ay nakikita ko lamang sa mga pictures. Dito ko nasabing para akong nakatira sa loob ng Christmas card.

Nang ako’y bata pa at naninirahan sa Maynila, hindi ko inakalang ako’y makakaranas ng White Christmas. Nagkakasya na ako sa mga dekorasyon namin sa aming classroom sa paaralan ng mga Christmas tree na pinuno ng mga bulak para magmukhang may snow. Sa bulak lang masaya na ako.

Tapos sa klase kakanta kami ng “Dashing through the snow” at “I’m dreaming of a White Christmas.” Ano ba naman ang malay ko sa snow at White Christmas? Alam ko lang noon ay “dashing through the flood!” Kinakanta rin namin ‘yung “Frosty, the Snowman.” Pero ‘yung Frosty alam ko at gusto ko. Ito ay isang brand ng ice candy noong bata ako. Masarap siya!

Taong 1991 nang nakaranas ako na pumuti ang kalsada sa Maynila. Pag-gising ko isang umaga at sa pagdungaw ko sa labas, ay nakita kong medyo maputi ang aming paligid. Nag-snow sa Maynila?! Pero nang aking kilatisin, hindi ito snow, kundi abo pala! Abo mula sa pagsabog ng Mt. Pinatubo.

Taong 1994, aking nilisan ang Pilipinas. Hindi para makakita ng snow o maghukay ng yelo, pero para tugisin ang aking mga pangarap sa buhay.

Ngayon, makatapos kong maranasan ang marami ng White Christmas, iba na ang gusto ko sa Pasko. Ibang puti na ang gusto ko, hindi snow. Puti, tulad ng puting buhangin sa beach ng Zambales.  Puti, tulad ng kesong puti sa loob ng bagong lutong pandesal. Puti, tulad ng bagong kaskas na niyog sa ibabaw ng puto bungbong.

Umulan na lang sana ng bagong kaskas na niyog. Samahan na rin sana ng pag-ulan ng puto bungbong at bibingka. Teka, masakit yatang mabagsakan ng bibingka!

Hay, nami-miss ko na naman ang Pilipinas.

Sa lahat ng mga Pilipino sa iba’t-ibang lupalop ng mundo, ano mang puti ang pumapaligid sa inyo – maging ito’y snow, o kaya’y abo at lahar, o puting buhangin at malinaw na dagat, o kaya’y disyerto, o mga puting semento, o kaya nama’y mga kumpol na bulak, o tambak ng puting basura, o kaya’y maging bagong kayod na niyog – kayong lahat ay aking binabati ng Maligayang Pasko!

 

 


Viewing all articles
Browse latest Browse all 11