Quantcast
Channel: OFW – Pinoy Transplant in Iowa
Viewing all articles
Browse latest Browse all 11

Relyenong Bangus at Kapitbahay

$
0
0

Linggo ng umaga. Tahimik at natutulog pa ang aming kapaligiran. Pero handa na kaming umpisahan ang bugbugan. Ito ang aming kwento.

Bagong lipat lamang kami sa apartment na iyon sa Morristown, New Jersey. Ito ay housing complex para sa mga residente na nagte-training sa hospital. Siguro ay mag-iisang taon pa lamang kami dito sa Amerika noon. Pero miss na miss na namin ang mga pagkaing Pilipino. Isa na rito ang relyenong bangus.

Noong panahon na iyon ay hindi pa uso ang Wi-Fi at hindi pa palasak ang internet. Halos kasing laki pa ng hollow blocks ang cellular phone kaya wala pa masyadong nagbibitbit nito at hindi pa naiimbento ang Youtube at Google. Kaya’t nang gusto naming alamin kung paano magluto ng relyenong bangus ay tumawag pa kami ng long distance (wala pang messenger at Viber noon) sa aming kamag-anak sa PIlipinas para magtanong.

Mga sangkap raw na kailangan sa relyenong bangus – malaking bangus (checked); bawang at sibuyas (checked); carrot, patatas, peas at pasas (checked); itlog at harina (checked); karayom at sinulid (huh?), hindi ito rekado pero kailangan ito para tahiin matapos naming i-surgery yung bangus (checked); at panghuli, martilyo (huh????). Hindi po namin ipapako yung bangus, pero para sa amin mainam na pang-bugbog ang martilyo ng bangus, para humiwalay ang laman nito sa balat. Pwede ring palo-palo o dos por dos, pero ang meron kami ay martilyo (checked).

At inumpisahan ko nang pukpukin ang bangus. Wala akong pakundangan sa aking pagbubugbog sa kawawang isda. Sige ang hataw. Sige ang hambalos. Sige ang bira ng martirlyo.

Maya-maya lang ay may kumakatok na sa aming pinto. Kami ay nakatira sa 3rd floor. Maninipis na dingding lang ang pagitan ng mga apartment, at tabla ang sahig nito, kaya madaling marinig ng kapitbahay kung ano man ang nangyayari sa kadikit na unit.

Inisip kaya nila na may unauthorized construction project kaming ginagawa? O baka naman iniisip nila na ginigiba namin ang aming unit? Inaakala kaya nilang hinampas ko ang aking asawa? O baka akala nila ay ako ang binubogbog ng aking misis?

Nang aming pagbuksan ang aming pinto, ay nakatayo sa aming harapan ang aming kapitbahay na nakatira sa 2nd floor na nasa ilalim ng aming unit. Pupungas-pungas pa ang kanyang mga mata, at mukhang galing pa sa duty. Siguro ay inaasam-asam niya ang matahimik na weekend at babawi sana siya ng tulog. Ngunit binulabog ng aming pukpukan ang kanyang pagkakahimbing. Namartilyo ang kanyang pagpapahinga.

Humingi kami ng paumanhin at nangakong hindi na kami mag-iingay. Pasalamat pa rin siya dahil hindi kami mahilig mag-Karaoke ng aking misis. Nangako rin kaming hindi na kami mag-bubugbugan. Ng isda, ang ibig kong sabihin.

Ang mga Pilipino nga naman na nasa ibayong bansa, lahat ay isusuong matikman lamang muli ang mga pinananabikang pagkain. May alam akong Pinoy na pinabababa ng eroplano dahil tinangka nitong magpuslit ng durian. Meron naman akong kakilala na nag-microwave ng baon niyang daing sa office breakroom. Dahil umalingasaw ang amoy, tumawag pa ng maintenace dahil akala ay may patay na daga sa kisame ng opisina. Meron din mga kwento ng mga Pilipino dito sa Amerika na nagprito ng tuyo sa kanilang apartment at na-trigger nito ang smoke alarm, kaya napa-evacuate pa ang buong apartment complex dahil akala ay may sunog.

Kung suguro naging OFW si Balagtas ay isusulat niya nito:

“O panlasang Pinoy, pag-nasok sa dila nino man, hahamakin ang lahat masunod ka lamang.” (quote modified from Florante at Laura)

Nang umalis na ang aming kapitbahay, ay itinuloy pa rin namin ang aming paghahanda ng relyenong bangus. Walang building security, o fire alarm, o kahit kapitbahay ang makakapigil sa amin. Pero matahimik at mahinahon ko nalang na pinitik-pitik ang walang kalaban-laban na isda.

(*image from pilipinasrecipes.com)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 11